Tara na sa Panibagong Bukas MAKILAKBAY sa mga BAYANI sa LIKOD ng KARITON KLASRUM
CAUTION: CHANGES AHEAD Bago pa man maging gasgas ang pangalan ng CNN Hero of the Year na si Efren Peñaflorida Jr. sa pandinig ng mga manonood ng telebisyon sa buong mundo, bago pa man siya bigyan ng parangal na $100,000, bago pa man sila mapansin ng mga taong mahilig mag-abot ng tulong, at bago pa man sila makatanggap ng iba’t ibang parangal bilang isang organisasyon, ibinabandera na ng Dynamic Teen Company (DTC) ang kanilang natatanging bisyon: ang makagawa ng pagbabago. Ang DTC ay isang grupo ng mga kabataang may layuning makapagpunla ng maliit ngunit signipikong pagbabago sa buhay ng nakararami, partikular ang mga musmos sa mga masusukal at mahihirap na lugar kung saan marami ang walang pribilehiyong makapag-aral, matuto ng tamang paglilinis sa sarili at kalimitan, ang mga kabataang hindi nabibigyan ng pagmamahal ng kanilang mga sariling pamilya. Kung sa edad na 16 ay puro tungkol sa sarili lamang ang naiisip ng maraming kabataan, naiba si Kuya F (Efren) dahil sa pagbabagong nais niyang makamtan at makita sa kanyang paligid. Palibhasa’y laki sa hirap at nasaksihan kung paanong ang kahirapan ay maaaring magtulak sa adiksyon, kawalang-pag-asa at karahasan, binuo ni Kuya F ang DTC kasama sina Jefferson Bernal at Rezcel Alconcel ng Cavite National High School noong Agosto 1997 sa ilalim ng patnubay at tulong ng Club 8586 Inc., isang Bible-study group. Nagsimula ang organisasyon bilang isang friendship club na binuo ng paunang 20 miyembrong may layuning ilihis ang atensyon ng mga kabataang nasisilaw sa mga iniaalok ng mga bayolenteng gangs, fraternities at sororities na laganap sa mga paaralan. Ang sinaunang mga proyekto nila ay mga youth awareness projects, talent and self-development activities, at community services. Kasama na rito ang proyekto nilang “Kalingain Batang Mahirap” kung saan ang layunin ay ang magpakain ng mga kabataang nangangalakal ng mga tira-tirang pagkaing galing sa basura. Sinubukan nilang manghikayat ng mga mas nakatatandang miyembro o volunteers ngunit hindi sila nagtagumpay—dahilan upang turuan nila ang kanilang mga sariling magbanat ng buto at kumita upang matustusan ang mga gastos sa kanilang mithiing makatulong. Pinagkakasya nila ang bente o singkwenta pesos para makabili ng kaunting tinapay para sa mga tinuturuan nila. Ginagamit nila ang kanilang mga talento sa teatro at konsyerto kapalit ng maliit na kita. Pinasok rin nila ang pangongolekta ng mga bote, dyaryo at ibang recyclable materials upang maipagbenta para magamit sa ginagawa nilang craftworks na ibinebenta nila sa malapit na bookstore sa kanilang lugar. Tahakin mo ang panibagong landas. Harapin ang panibagong bukas. Kapit-bisig sa pag-abot ng pangarap. Tara na. Tara na.* THE K4 PROJECT “Imbes na magtulak ng droga, yung mga kariton ang itinutulak nila,” ika ni Kuya F. Kung mamimili ka nga naman ng kahihiligan o kaaadikan, dun ka na sa nakatutulong sa sarili mo gayundin sa ibang tao. Karga-karga ang mga gamit pang-eskwela—libro, lapis, chalk, mga papel, maliliit na pisara, kwaderno, pagkain, tubig-pampaligo, basic medical supplies, mga upuan, banig, lona at flagpole kung saan bumabandila ang sagisag ng Pilipinas, ang K4 (Kariton, Klasrum, Klinik at Kantin) ay handa nang lumapit sa mga mag-aaral at magdala ng edukasyon. Pinatunayan ng mahiwagang kariton na ang aritmetik, pagbabasa, pagsusulat, ispeling at Ingles ay hindi lamang nakakulong sa apat na sulok ng paaralan. Tuwing Sabado, apat na lokasyon ang pinatutunguhan ng klasrum—ang palengke, sementeryo, ang tambakan ng basura at isang squatter’s area. Kung wala namang sapat na lugar ay sa ilalim na lamang sila ng baong lona nagkaklase—umulan man o umaraw. Bawat lugar, mga kabataan mula edad 2-12 ay nagkakagulong mag-unahan upang makakamit ng mga bagong matututunan mula sa kanilang hiram na paaralan sa loob ng isang oras at kalahati. Dahil sa lubos na kakulangan ng kaalaman maging sa pag-aayos ng sarili, kasama rin sa kurikulum ng Kariton Klasrum ang Mind Your Rights (MY rights) campaign kung saan kaalaman sa sariling pangkalusugan ang kanilang ibinabahagi. Itinuturo nila sa mga kabataan ang tamang pagligo at pagsipilyo. Sila pa minsan ang gumugupit sa buhok ng mga bata. Ngunit higit pa sa kaalaman sa aritmetika, pagbasa at pagsulat ang itinuturo at ibinabahagi ng Kariton Klasrum—mabuting asal ang itinatanim nila sa puso’t isipan ng bawat batang nakakasalimuha nila. Ang kaisipang may Diyos pang tutulong at magbibigay ng pag-asa sa mga panahong wala nang mapaghugutan ng pag-asa. Hindi lamang mga bata ang hawak nila Kuya F. Maging ang mga magulang na hindi nakapag-aral ay nakiki-aral at kain rin kasabay ng kanilang mga anak. Sinisiguro ng DTC na ibinabahagi nila sa mga magulang at mga anak nila ang mga karapatan nila. Sinisiguro rin nilang ang mga batang hindi dokumentado o walang titulo ng kapanganakan ay hindi mabalewala sa mga pampublikong institusyon at eskwelahan. Dahil dito, ang DTC ay naparangalan na ng mga iginagalang na institusyon tulad ng National Economic and Development Authority and United Nations Volunteer Program (2008), ABS-CBN Gawad Geny Lopez Jr. (2008), at nakilala bilang isa sa Ten Most Outstanding Youth Organizations ng National Youth Commission of the Philippines (2008). Imulat ang mga mata, iyong makikita. Kay rami nang lumuluha, kay raming nagdurusa. Sa’ng sulok man may bahid ng lungkot, paghihirap. Pawis ay binubuno ng ‘di alintana.* THE BIRTH OF THE CART CLASSROOM Dati-rati noong ang DTC ay minamaliit dahil sila ay pawang kabataan lamang at wala raw magagawang pagbabago, ang mga volunteer ay lumalakad ng limang kilometro bitbit ang mga plastic bag laman ang mga kagamitang panturo at pagkain na kadalasan ay nabubutas dahil sa bigat kung kaya’t lalo silang nagsipag upang makabili ng pedicab kung saan nila inilagay ang mga kakailanganing gamit para mas dumali ang paglipat-lipat sa apat na lokasyon. Sa kasamaang palad, hindi rin ito naging epektibo dahil madalas matanggal ang kadena ng bisikleta marahil na rin sa bigat ng dala at lubak-lubak na daan. Dito naisipan ng presidente ng DTC na si Emanuel Bagual o Kuya Em ang ideya ng kariton . “Hindi na kailangan ng gasolina at lisensya e,” biro ni Kuya Em. Naging epektibo nga naman ang kariton upang kahit papapano’y maibsan ang pagod na kanilang pinagdadaanan tuwing magtuturo. Kinakailangan kasi nila ng maraming lakas upang maging sanhi ng inspirasyon ng mga musmos na tuturuan. Di bale nang tawaging mga basurero, ang mahalaga ay makarating sila sa paroroonan, lahat ng iyan para sa kanilang misyon, paunang edukasyon para sa kabataang hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral. Sa ngayon, patuloy ang kanilang pagkalap ng pondo upang matugunan ang mga proyektong ito. Kabilang na rito ang weekly feeding programs, first aid treatment, at paghuhulma ng kaugalian sa pamamagitan ng kanilang K4 Project. Tara na’t maglakbay sa landas ng buhay. Huwag basta na lang magpatangay. Makilakbay.* A NEW START Kaakibat ng kanilang kauhawan sa pagbabago, ang pangmatagalang layunin ng mga volunteers ay ang matulungan nila ang mga estudyante nilang kabataang turuan ang kanilang mga sarili upang makamtan nila ang kanilang mga pangarap. Mula sa mga batang nagtitinda ng saging at mais, mga nakayapak, mga napariwara ang buhay, sila ay binibihisan, pinaliliguan at tinuturuan ng kariton klasum. Sila na lalaki sanang mga mangmang at walang direksyon ang buhay na nabago ng nasabing programa. Mula sa pagbubungkal ng basura, pagtitinda at pangangalakal sa lansangan, namulat sila sa magulong lipunan na unti-unting sumisira sa kanilang konsepto ng kamusmusan (o kung naranasan nga ba nila ang maging musmos). Biktima sila ng kakulangan at diskriminasyon, ngunit patuloy pa rin silang nagpupunyagi kahit na unti-unti nang nilalamon ang kanilang pag-asang natitira. Hanggang may mga taong marunong magpahalaga sa edukasyon at nagpupunyaging mabago ang antas ng lipunan, unti-unting mababawasn ang bilang ng mga batang mangmang. Isa sa mga volunteer workers ay si Chris Kesz Valdez, ang pinakabata sa grupo. Sa edad niyang sampung taon, alam na niyang tumulong sa kapwa niyang batang lansangan. Sa Chris ay isa lamang sa mga batang natulungan ng kariton klasrum. Dati siyang mangangalakal na naisalba ng kariton klasrum. Nasunog ang kanyang katawan nang maitulak sa nasusunog na gulong habang nakikipag-unahang mangalkal sa tambakan ng basura. Siya’y pinagamot, kinupkop, pinag-aral at tinulungang magbago ang pananaw sa buhay ng DTC. “ Paglaki ko po, gusto ko maging isang teacher, tulad ni Kuya F,” banggit ni Kresz . Isa rin sa listahan si Michael Advincula, na nagsimulang humithit ng droga noong pitong taon pa lamang siya. “Dati, wala akong pakialam sa buhay ko. Pero buong pasensya po akong pinulot ni Kuya F sa hukay na pinanggalingan ko. Siya ang umayos sa magulong buhay na kinalakihan ko.” Silang lahat, mula sa kawalan ay may panibago nang hinaharap. Ang ilan sa kanila, kasalukuyang nag-aaral na sa pormal na eskwelahan at tumutulong sa pangangalap ng badyet para sa Kariton Klasrum, ang ilan, guro na rin nito at tinutulungan ang mga katulad nilang kamuntik nang takasan ng pag-asa. Sila at mahigit 1,500 pang mga produkto ng Kariton Klasrum, may panibagong bukas na pagkat silang lahat ay pawang edukado na. Sarili mo’y kumakawala.* UNSUNG HEROES “Grasp our vision—primary education,” ani Kuya F. Sa bawat tulak ng kariton sa ilalim ng mainit at tirik na araw, sa bawat batang naligaw ang landas na naituwid at naitama ni Kuya F, kaakibat niya dito ang mga volunteer workers. Mga volunteer workers na tila wala namang natatamo kundi pagod, ngunit walang pagod pa ring umaagapay sa mga batang lansangan. Hindi matatawaran ang sakripisyong kanilang inilalaan kahit madalas ay namamaliit na ang pagkatao. Patuloy pa rin sila sa iisang adhikain—ang mabawasan ang bilang ng mga mangmang sa ating lipunan. Sina Kuya Bonn, Kuya Alex, Ate Olive at Kuya Em—ilan lamang sila sa bilang ng mga volunteers ng kariton klasrum. Hindi man sila mga propesyunal na guro, patuloy nilang iniaalay ang kanilang sarili at panahon sa paglilingkod at pagtuturo sa mga batang lansangan. Manu-mano nilang tinutulak ng humigit kumulang limang kilometro ang kanilang kariton hanggang sa kanilang susunod na destinasyon. Kagaya nga ng sinabi ni Jessica Soho, sa isang bansa kung saan ang edukasyon ay nagiging isang pribilehiyo sa halip na karapatan, malaki ang naitutulong ng kariton klasrum lalo na’t ang karunungan ang pinakamabisang armas para labanan ang kahirapan. Sa kanilang proyektong “We are the change,” noong 2007, kalimitang sinasabi ni Kuya F sa kanyang mga kasama na sila ang pagbabagong kanilang inaasam at kaniyang inaasam, at sa kanilang pagtutulungan, sila ang magiging pagbabagong hinihintay ng buong mundo. Ang nais mo’y pahirin ang lahat ng luha. Magkakapit sa nawawalan na ng pag-asa. Huwag hayaang may nag-iisa, makakasama ka.* A LIVING HERO “Imbes na mawalan ng pag-asa, Ipinangako ko sa sarili ko na ipagpapatuloy ko ang edukasyon ko. Magsisikap ako. Gagawin ko ang lahat.” Lumaki sa kapaligirang puno ng karahasan at kawalan ng pag-asa, hindi naging balakid kay Kuya F o mas kilala bilang Efren Peñaflorida Jr., CNN Hero of the Year para sa taong 2009 ang takot na idinudulot sa kanya ng mga nakakatakot na pakulo ng mga fraternities at gangs. Nais tupukin ng DTC ang pambubugbog, pagsusulat sa dingding ng eskwelahan at pangagahasa sa mga walang labang kababaihan na laganap sa mga grupong ito. “Siyam na taong gulang pa lang ay kinukuha na ang mga bata ng gangs para i-train. Sila ay hamak na biktima lamang ng kahirapan,” wika ni kuya F. Panggitnang anak nina Efren Peñaflorida Sr. at Lucila Geronimo, tricycle driver at tindera, pinangarap ni Kuya F na maging isang matagumpay na inhinyero nung bata pa lamang siya. Nasa elementarya pa lamang si F nang kinakitaan na siya ng sipag at husay kung kaya’t naging iskolar siya ng World Vision Philippines. Tinulungan naman siya ng Club 8586 sa pamamagitan ng libreng tutorials, computer training at pinansyal na suporta mula hayskul hanggang kolehiyo. Hindi dahil may iskolarsyip at pinansyal na suporta na ay hindi na nagbanat ng buto si Kuya F bilang isang estudyante. Isa siyang regular na biyahero ng fish crackers na nagmumula pa sa Baclaran. Ibinibenta niya ang mga ito sa eskwelahan upang makatulong sa kanyang mga magulang. Dalawang kurso na ang natapos ni Kuya F. Ang isa ay sa San Sebastian College-Recoletos kung saan nagkamit siya ng pinakamataas na parangal sa kursong Associate in Computer Technology noong 2000. Ang isa naman ay mula sa Cavite State University kung saan nagtapos siya bilang isang Cum Laude sa ilalim ng kursong Bachelor of Secondary Education noong 2006. Ang mga sumusunod naman ay ilan lamang sa mga naipong parangal ng nabubuhay na bayani: • CNN Hero of the Year 2009 Turner Broadcasting, New York City National Winner, Outstanding Volunteer Awards PNVSCA and UN Volunteers Program 2008, Manila Hotel • Regional Winner, Volunteer Awards NEDA - 2008, Calamba, Laguna • Outstanding Caviteño in Republic Service 2008, Independence Day Celebration, Cavite • Finalist for Global Youth Awards 2008, Southhampton, UK • Maliksing Caviteño Awardee 2007,Provincial Government, Provincial Capitol, Cavite • PGMA Presidential Leadership Awardee 2006, Cavite State University, Cavite City • Nominee for Right Livelihood Award Foundation 2005, Stockholm, Sweden • Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awardee 2004, ABS-CBN Studio 1, Quezon City • Golden Anahaw Awardee as Outstanding Community Servant 2004, Cavite State University, CvSU, Cavite • Role Model Awardee 2004, City Goverment Award for CAVITE CITY WEEK, City Hall, Cavite City • Excellent Member Awardee 1997, Club 8586, Inc., Caridad, Cavite City “Transformational leader” kung tawagin si Kuya F ngayon. Pagbabago ang kadalasang pangako ng maraming lider ngunit isa lamang si kuya F sa nakapagpatunay at nakapagpatotoo nito. Hindi pa masasabi kung madaragdagan pa niya sa hinaharap ang inspirasyon at dangal na kanyang naibahagi sa ating bayan. Sa ngayon,higit pa sa pagkilala sa kanya ang matamis na tugon na makakapagpangiti kay kuya F, ang makagawa ng panloob na pagbabago sa mga humanga sa kanyang tiyaga at pag-asa ang mas makapagpaparangal sapagkat ito’y malayang maipapasa pa nila sa iba. May kadiliman muna bago umaraw sa buhay ng nadarapa, ibangon mo na.* THE HERO’S HEROES Tulad ng kanyang mga estudyanteng humahanga, nagtitiwala at nagmamahal sa kanya, may sarili ring mga bayani si Kuya F. . Hindi na bago kay Kuya F ang maruruming lugar na kanilang pinupuntahan dahil sa tambakan at dagat ng basura rin siya namulat bilang isang musmos. Naranasan rin niyang magbenta ng mais at mangalakal. Dati ay madalas nagiging sentro ng pambu-bully si Kuya F. Bugbog, tukso at sipa ang inaabot niya sa tuwing naglalaro siya. Bata pa lamang si Kuya F ay umabot na ang kanyang pangalan sa isang dokumentaryo sa Estados Unidos—hindi bilang isang bayani kundi bilang isa sa mga kabataang nabubuhay sa pinakalugmok na kalagayan. Musmos pa siya ng makilala niya ang kanyang bayaning guro, isang pastor sa Club 8586, Inc. Kahit musmos pa lamang ay hinikayat na siya ng kanyang guro na ipagpatuloy ang kanyang boluntaryong paggawa. Malaki ang naging impluwensya ng kanyang guro upang maging isang transformational leader si Kuya F. Sinabi sa kanya ng kanyang guro, “Kung hindi mo babaguhin ang pamumuhay mo, mauuwi ka sa kulungan o kung hindi naman ay mapapatay na lamang.” Ang kanyang guro at ang Club 8586 ay malaking motibasyon ni Kuya F upang tumulong at magbigay ng pag-asa sa mga kabataang tila wala nang kakayahang mangarap. “Kailangan nila ang edukasyon upang maging matagumpay sa buhay. Ipinamamahagi ko lamang sa kanila ang ibinigay sa akin ng iba,” ika ni Kuya F. Sa kabila ng tagumpay at magandang pangalang inani ni Kuya F, hindi pa rin niya kinalilimutan ang tunay niyang mga bayani. “ Hinahangaan ko ang mga totoong bayani—ang aking guro at ang mga teenage volunteer.” Sabi niya, lahat ng ito’y gawa ng buong grupo at hindi sariling gawa lamang. “Sinisiguro kong hindi sila makalimutang pasalamatan sa bawat interbyu.” Akayin mo patungong bagong umaga.* CNN Hero of the Year “Ang mundo ay punong puno ng mga bayani—matanda, bata, mayaman, mahirap, lalaki man o babae. Lahat tayo ay may ikinukubling kabayanihan sa ating mga puso na kailangan lamang gisingin at bigyang buhay upang ang pagtulong sa kapwa at sa lubos na nangangailangan ay mag-umapaw,” bitiw ni Kuya F sa kanyang talumpati sa CNN Hero of the Year 2009 Awards. Ito mismo ang nangyari sa ating kababayang si Efren Peñaflorida Jr.. Tunay na gising na gising ang diwa ng kabayanihan sa kanyang puso at pumapaimbulong ang pagtulong sa kapwa niya Pilipino. Sa pamamagitan nga ng kanyang programang Kariton Klasrum, nagawa niyang baguhin ang buhay ng ilang Pilipinong kanyang nakasalimuha. Kaya naman nararapat lamang ang ibinigay sa kanyang pagkilala ng CNN (Cable News Network). Nagawa niyang lagpasan ang humigit-kumulang 9,000 aplikante sa prestihiyosong “CNN Hero of the Year” at napasama sa top 10 kung saan ang lahat ay tumanggap ng $25,000 bilang paunang pagkilala. Sa pamamagitan ng online voting ay nakakalap ng 2.75 milyong boto ang mga nominado. Sa gabi ng parangal na naganap sa Kodak Theater sa Hollywood noong Nobyembre 26,2009 na nasaksihan ng 3,000 katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay hindi na kaduda-duda na siya ang tinanghal na CNN Hero of the Year. Tumanggap siya ng $100,000 bilang pagkilala sa kanyang eksepsyunal na kabayanihan. Ang nakalap na pera ay ipinangako ni Kuya F walang iba kundi sa DTC. Huwag sana nating hayaan na si Kuya F na ang maging pinakauna at pinakahuling CNN Hero na Pinoy. Sana’y magsilbing inspirasyon si Kuya F at marami pang diwa ng kabayanihan ang magising. Hindi lamang dahil sa pagkilalang “CNN Hero of the Year” kundi dahil sa tunay na malasakit sa mga lubos na nangangailangan. May pag-asa pa. May bagong simula.* SEEING THE LINK Mismong sa eskwelahan nakita ni Kuya F ang kawalan ng pag-asa. Sa eskwelahan niya nasaksihan ang masasamang elementong naglalayo sa kabataan ng tamang disposisyon sa buhay. Kung pagmumuniin, hindi naman nanggaling sa eskwelahan ang mga elementong ito. Nagmula ito sa iba’t ibang impluwensyang hindi na makayanan kontrolin ng eskwelahan dahil sa nagsisiksikang mga estudyanteng walang paglagyan. Hindi naman kasalanan ng mga batang hindi silang lahat nabibigyang-tuon, kung kaya mas pinili na lang nilang mamasura at tumulong sa mga magulang nila. Doon kasi, mas nabibigyan sila ng pansin at nagiging kapaki-pakinabang pa kontra sa eskwelahan kung saan pumasok at umuwing hindi napansin ng guro—hindi dahil ayaw nila ngunit dahil hindi sapat ang oras upang makaniig ng isa ang pitumpu, hindi sapat ang kulang-kulang at gula-gulanit na libro, upuan at guro. Hindi sapat ang laki ng lugar upang malapitan isa-isa ni Ma’am ang mga bata—nagsisiksikan na kasi silang tila mga sardinas. Hindi na kasi kasya si Ma’am sa pagitan ng mga nanlilimahid na upuan. Patawad na. Hindi kasi pwedeng imasa produksyon ang edukasyon. Tulad ng tama at prayoridad na pamamaraan ng kariton klasroom—isip, katawan at kaluluwa ang dapat bigyan ng edukasyon. Hindi posible sa nagsisiksikang sardinas sa loob ng kinakalawang na lata. Hindi masisisi ang mga kabataang hindi na pinag-aaral ng magulang sa libreng edukasyong ibinibigay ng gobyerno. Imbis na maging masarap kasi ang libre, nagiging pabigat na lang ito, pinagmumulan pa ng diskriminasyon at opresyon. Mahigit sampung taon na rin mula ng naitatag ang DTC. Kulang sampung taon na rin nang magsimulang tumulak ang kariton kalasrum sa mga naghahanap ng pag-asa. Nagpapatunay lamang na matagal na ring hindi nabibigyan ng sapat na halaga ang edukasyon sa ating bansa. Ika ni Kuya F, pwedeng gayahin ang kariton klasrum. Pangarap niyang dumami pa ang kariton sa Pilipinas sa ngayon upang kahit papaano’y makaranas ng edukasyon ang mga musmos sa mga naghihirap na lugar. Mabuti kung dumami ito sa ngayon ngunit huwag naman sana sa darating pang mga dekada—sapagkat kung marami pa ring kariton klasrum sa hinaharap, ang ibig sabihin lamang nito ay hindi na tuluyang nasolusyonan ng gobyerno ang humihinang kalidad at lawak ng edukasyon ng ating bansang nakasubsob na sa basura. Masarap isipin na kahit mga ordinaryong tao at ordinaryong bagay ay maaaring maging instrumento ng pagbabago ika nga ni Kuya F, at ang paggawa ng pagbabago ay hindi pumipili ng edad at kasarian, wika naman ni Kuya Em. Ordinaryo. Kariton. Musmos. Pagtutulak. Paglalakad. Pagbabahagi. Ordinaryo. Kung ang ordinaryo nakatutulong sa pagbabago at nagiging simbolo ng pag-asa, lalo na sana ang mga may kapangyarihang bumago sa hinaharap ng bawat umaasang kabataan. Kahirapan. Kawalang-kapangyarihan. Kamangmangan. Huwag nawa ito ang maging katapusan. Ginising sila Kuya F at mga volunteer ng matinding mithiing magkamit ng pagbabago. Mga bayani sila kung ituring sa ngayon hindi sapagkat sila’y hinahangaan sa buong mundo. Sila’y tunay na mga bayani sapagkat nagpakita sila ng puro at matinding katapangan upang malabanan ang kamangmangan at kawalang-laban ng mga tagapagmana ng kinabukasan ng Pilipinas. Salamat sa serbisyong walang hinihintay na kapalit. Ang mga gurong hindi sumuko magtanim at magsakripisyo, magbigay nang magbigay kahit hindi sapat ang kapalit na naipapataw ng gobyerno, kinakaya ang 70:1 sa loob ng isang oras kada section ng araw-araw na pagtuturo—patuloy na tinatanggap na pangarap na lamang ang mas malaking kita. Sa propesyong nagiging kalebel na lang sa sahod ng karaniwang manggagawa, salamat. Sa patuloy na paghihintay sa bunga ng kanilang pagtatanim, sa mga tunay na bayani, maghihintay tayo ulit—habang aktibong nakikilakbay. Tara na, tara na’t maglakbay. Makilakbay.* * Ang mga sumusunod ay mga linya mula sa theme song na isinulat ng volunteers ng Kariton Klasrum. (Elaiza R. Banasig at Ruby Rose R. Cruz) Possibly Related Posts:
|