Mula Baler hanggang BulSU: Kolehiyo ng Edukasyon ipinagdiwang ang buwan ng wika
BILANG PAG-ALALA SA MAHALAGANG PAPEL NA ginagampanan ng wika sa pagbibigay kaalaman at pagkatuto at ayon na rin sa taunang nakagawian, muling ipinagdiwang ng Kolehiyo ng Edukasyon (KOEd) ang buwan ng wika noong ika-10 hanggang ika-28 ng Agosto. Sa pangunguna ng Samahan ng mga Mag -aaral sa Filipino (SAMAFIL), nagsagawa ang mga mag-aaral ng KOEd ng isang programa noong ika-10 ng Agosto sa Dambana ng mga Bayani ng Bulakan upang pormal na simulan ang pagdiriwang ng buwan ng wika na may temang “Wikang Filipino: Mula Baler hanggang buong Pilipinas”. Ayon kay Dr. Renato D.L. Godoy, guro sa Filipino at punong tagapayo ng SAMAFIL, ang temang ito ay para sa pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Baler sa lalawigan ng Quezon—ang lugar kung saan isinilang ang ama ng ating wikang pambansa na si dating pangulong Manuel L. Quezon. Sinundan ito ng pagtatalaga sa mga bagong opisyales ng SAMAFIL para sa taong kasalukuyan ni Dr. Antonio del Rosario, ang pangalawang pangulo para sa pang-akademiko at pang-estudyanteng ugnayan. Binigyang diin naman ni Dr. Mariano De Jesus, pangulo ng BulSU, ang kahalagahan ng pambansang wika sa pagkakabuklod- buklod ng isang bansa. “Kung walang iisang wika, walang iisang bansa,” ani De Jesus. Ipinabatid rin niya na ang pambansang wika ay ang kaluluwa ng isang bansa at ng mamamayan nito, at mahalaga ito sa paghubog ng pagkakakilanlan ng isang bansa. Ginunita rin ng punong tagapayo ng SAMAFIL sa nasabing programa ang pagkilala sa mga bayaning naging susi sa pagkakaroon ng wikang pambansa. Kabilang rito sina Francisco Balagtas, ang ama ng balagtasang Pilipino, Ramon Magsaysay, ang nagbago ng petsa ng buwan ng wika, at si Manuel Quezon, ang ama ng wikang pambansa. Kaugnay ng nasabing programa, nagsagawa rin ang SAMAFIL sa tatlong linggong pagdiriwang ng iba’t ibang patimpalak na sumukat sa galing ng mga mag-aaral ng KOEd sa paggamit at pagpapahalaga sa kultura at wika ng bansa. Nilahukan ng mga mag-aaral na nagpakadalubhasa sa Filipino sa iba’t ibang antas ang mga patimpalak sa kasuotang Pilipino, pagbigkas ng tula, pagsulat ng sanaysay at paggawa ng poster. Samantala, sa isang panayam, pinasalamatan ni Emil Cezar Umali, pangulo ng SAMAFIL, ang mga sumuporta at nakiisa sa pagdiriwang, kasama ang dekana ng KOEd, mga miyembro ng SAMAFIL, mga nakilahok at mga naging hurado sa iba’t ibang kompetisyon. Kanya ring sinabi na naging matagumpay ang kabuuan ng pagdiriwang. ”Partikular sa mga Filipino majors, sila ang higit na nakinabang dito. ‘Yung talento nila ay naipakita, at ang layunin ng programa namin ay ang mapaunlad at hindi mawala ang tradisyon ng paggamit ng wikang Filipino. Bilang isang guro sa hinaharap, sa atin magsisimula ang pagpapanatili ng tradisyong ito,” ani Umali. Patimpalak sa kasuotang Pilipino Unang gantimpala Junelyn C. Socajil (BSED 3I) Kenneth Gitana (BSED 3I) Ikalawang gantimpala Marion Paul J. Pascual (BSED 3I) Ikatlong gantimpala Carmina Defrosa (BSED 1I) Francis Legaspi (BSED 1I) Patimpalak sa pagbigkas ng tula Unang gantimpala Sheena De Belen (BSED 21) Ikalawang gantimpala Katherine Joyce Cervantes Ikatlong gantimpala Sheila Anne Mendoza (BSED 3I) Patimpalak sa pagsulat ng sanaysay Unang gantimpala Jenelyn C. Socajil (BSED 3I) Ikalawang gantimpala Mark Angelo Valmeo (BSED 3I) Ikatlong gantimpala Carmina Defrosa (BSED 1I) Patimpalak sa paggawa ng poster Unang gantimpala Kenneth John P. Ramirez (BSED 1A) Ikalawang gantimpala John Rommel J. Javier (BSED 4K) Ikatlong gantimpala Christine Marie R. Salamat (BEED 1A) (Nimrod Ibasco) Possibly Related Posts:
|