Rot race
NOBYEMBRE 20 HANGGANG DISYEMBRE 1 ANG ITINAKDA NG COMMISSION ON ELECTIONS (COMELEC) NA PANAHON NG PAGSUSUMITE NG CERTIFICATE OF CANDIDACY (COC) NG mga nagnanais na kumandidato sa 2010 elections. Ngunit hindi pa man nakapagsusumite ng CoC ang mga kakandidato ay kabi-kabila na ang mga ipinalalabas na infomercials na isang uri ng malinaw na premature campaigning o paglabag sa itinakdang panahon ng pangangampanya ng COMELEC. Ayon sa COMELEC, binibigyan ang mga national candidates ng siyamnapung (90) araw bago ang eleksyon o simula Pebrero 10 para mangampanya at apatnapu’t limang (45) araw naman o simula Marso 25 ang ibinigay sa mga local candidates. Ngunit dahil na rin sa kakulangan ng batas na umiiral, wala ring magawa ang COMELEC upang mapigilan ang premature campaigning ng mga pulitiko sa pamamagitan ng mga nasabing infomercials. Dagdag pa nila, wala pa silang pinanghahawakan sa mga pulitikong nagnanais kumandidato hanggang hindi pa sila nagsusumite ng CoC. Kalimitan nang naririnig sa mga plataporma ng mga kandidato na nais nilang makatulong at maglingkod sa pamamagitan ng pag-upo sa pwesto. Maliban sa pangangampanya sa iba’t ibang lugar sa bansa, paulit-ulit na lang na nakikita sa telebisyon ang mga nasabing informercials na nagkakahalaga ng malaki. Ang perang ibinayad sa mga TV networks upang maipalabas ang mga campaign ads ay napunta na lamang sana sa mga mas nangangailangan, sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo, sa pagpapaayos ng mga paaralan at pagpapaunlad sa kalidad ng edukasyon na meron tayo ngayon. Sa ganitong paraan, mas makikita ng sambayanan na malinis talaga ang kanilang hangaring makatulong sa halip na unahin ang sarili upang makamit ang pwestong inaasam. Maaaring timbangin ang mga kandidato bilang mga estudyante na karapat-dapat lamang na ipasa kapag napantayan ang batayang itinakda ng pangangailangan ng sambayanan. Bilang parte ng susunod na henerasyon, malaki ang ating magiging gampanin sa pagpili ng ating susunod na mga lider. Sila ang magsusulong sa karapatan ng bawat kabataan na magkaroon ng tama at kalidad na edukasyon—sila rin ang may kapangyarihang ipagkait ito. Sa huli, hindi sa palakihan ng nagastos o paramihan ng infomercials na lumabas sa TV ang batayan sa kung sino ang dapat mamuno sa ating bansa, kundi sa kung sino ang may pinakamalinis na hangarin at pinakamalawak na kakayahang mamuno—higit sa lahat, kung sino ang may malasakit sa kalagayan ng edukasyon sa ating bansa. Patunayan nating may epekto pa sa ngayon ang katagang vote wisely. Possibly Related Posts: |