The Mentors’ Journal

The Official Publication of the Students of Bulacan State University- College of Education::: Uphold Campus Press freedom. Support College Publication. Campus Paper. Campus Publication. College Press. Free Press. Mark Anthony Lazaro

Good Grief: Saglit





Ito lang naman ang panahon na mayroon tayo upang makagawa ng kahit kaunting kapaki-pakinabang na pagbabago. Sa kaunting sandali na iuukol mo sa pagbabasa nito, ipakikita ko kung paanong sa saglit na panahon ay maaari mong baguhin ang mundong ginagalawan mo.



Patong-patong na problema ang kinaharap ng ating bansa—mga problemang unti-unting pumapatay sa pag-asa nating makaahon mula sa matagal nang pagkakalugmok. Nakauumay na kung minsan. Kung totoo nga ang sinabi ni Rizal na kabataan ang pag-asa ng bayan, wala na siguro tayong pag-asa. Kung sa kabataan nakasalalay ang kinabukasan ng bayan, wala na siguro tayong pag-asa.



Sino nga ba ang dapat nating sisihin sa kawalan natin ng pag-asa sa kanila? Mga tiwaling pulitiko, kahirapan, kabataan, mga magulang, o ang mga guro na may pinakamalaking impluwensya sa kanila?



Maraming bagay ang naglilihis sa paningin ng kabataan palayo sa tamang daan. Hindi nasasalamin ang pag-asa natin sa kanila ngayon, pero may magagawa pa tayo para sa ating bukas.



Kung iisiping mabuti, tayong mga guro ang pinakamapangyarihan sa tunguhing pag-umpisa ng pagbabago. Tayo ang lalong pumapanday sa karunungang inumpisahan ng iba’t ibang sitwasyon at karanasang pinagdaanan at pagdaraanan ng ating mga mag-aaral. Nasa atin ang kapangyarihang hulmahin sila bilang kapakipakinabang na mamamayan o biktima ng maling katuruan at prinsipyo.



Dumarami raw ng kusa ang maliliit na pagkakamali ng mga guro sabi ng ilan. Ang bawat mali na tinuturo ng isang guro ay dinadala ng bawat estudyante. Ang mga pagkakamaling ito ay nagpasasalin-salin sa mga nakakahalubilo nila. Sa kabilang banda, bawat butil ng karunungan at kawastuhan na kontribusyon nila sa bayan ay magpapakarami rin. Mababatid natin sa ngayon na may ilang mga guro na tila walang pakialam sa kanilang mga estudyante. Ipinapasa ang pagkukulang sa susunod na gurong hahawak sa kanila, walang pakialam kung natututo ang mga bata o nag-aaksaya lamang ng 14 na taon sa eskwelahan. May mga pagkakataon pa nga na ang mga gurong ito pa ang sumasamantala sa kahinaan ng mga estudyante upang kumita ng pera. Mga pagkakamali na magdudulot ng mga panibagong pagkakamali sa mga susunod na henerasyon.



Bakit hindi natin gawing inspirasyon ang mga taong nagsulong at patuloy na nagnanais ng pagbabago gaya na lamang ng dating pangulong Corazon Aquino? Ina ng demokrasya kung siya’y tawagin, kauna-unahang babaeng presidente sa buong Asya, woman of the year ng Time Magazine noong 1986, at Joan of Arc ng Pilipinas. Maunawaing ina, butihing asawa, mapag-arugang lola, tapat na kaibigan, mahabaging tao at makabayang Pilipino—ito ang mga katangiang ipinakita niya sa saglit na panahong ipinahiram sa kanya ng Maykapal.



Hindi man siya nakapagtapos ng kursong Edukasyon ay masasabi nating marami tayong natutunan sa kanya. Tinuruan niya tayong magkaisa sa gitna ng problema magkakaiba man ang estado natin sa buhay. Ipinakita niya ito nang pangunahan niya ang People Power upang tapusin ang 20 taong diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos na s’yang pumatay noon sa ating demokrasya. Tinulungan niya tayong ipaglaban ang ating mga karapatan at kalayaan sa mahinahong paraan kung saan walang kailangang masaktan at magbuwis ng buhay. Tinuruan n’ya tayong maging matatag at manalig sa Diyos. Ang pagkamatay ng kanyang asawa na si dating senador Ninoy Aquino at suporta ng mga tao ang nagtulak sa kanya upang tumakbo sa pagkapangulo ng ating bansa at ipagpatuloy ang nasimulan ni Ninoy. Hindi siya natinag sa kabi-kabilang tangkang coup d’état at pagtuligsa sa kanyang kakayanan. Ipinakita niya sa atin kung paano muling tumayo matapos madapa nang may ngiti sa ating mga labi. Ipinaunawa niya sa atin kung paano maging simple at mapagpakumbaba. Tinuruan niya tayong ipagmalaki ang dugong Pilipino.



Ngayon ay wala na si Cory, pati na rin ang mga naunang mga henerasyon na nagbuwis ng kanilang buhay para sa pagbabago. Ngunit hahayaan ba natin na mailibing kasama nila ang kanilang mga naisin para sa ating bansa at tumigas na katulad ng kanilang mga rebulto ang mga ipinaglalaban nila?



Hindi sapat na gawin lamang natin silang inspirasyon, pag-aralan ang kanilang mga buhay at gunitain ang kanilang kaarawan, kamatayan. Hindi naman kinakailangang mag-rally pa tayo o magbuwis ng ating mga buhay para sa pagbabago. Ang pagiging isang mabuti, responsible at epektibong guro o mamamayan ay sapat na upang maisakatuparan ito. Tulungan natin ang mga kabataang sinasabing pag-asa ng bayan. Ipaunawa natin sa kanila ang kanilang kahalagahan at huwag na tayong dumagdag pa sa problema ng ating bansa. Tayong mga guro ang magsulong ng pagbabago para sa ating mga estudyante na magmamana ng problema ng ating bayan. Patunayan nating Filipinos are not just worth dying for, Filipinos are also worth living for. Gaano kaya kalakas o kahina ang kapangyarihang maipapasa natin sa kanila?



Mag-isip muna tayo—saglit. (Ma. Elena C. Umali)



Possibly Related Posts:


  • Share/Save/Bookmark

Post Metadata

Date
October 9th, 2009

Author
admin

Category

Tags

Leave a Reply