The Mentors’ Journal

The Official Publication of the Students of Bulacan State University- College of Education::: Uphold Campus Press freedom. Support College Publication. Campus Paper. Campus Publication. College Press. Free Press. Mark Anthony Lazaro

Editorial: Ano raw?

Ano raw?





NAPAGKASUNDUAN NA MULING BUHAYIN ANG ENGLISH-ONLY POLICY (EOP) SA KOLEHIYO NG Edukasyon (KoEd) ngayong Setyembre. Naniniwala ang Local Student Council (LSC) ng KoEd, ang muling bumuo sa polisiya, na ito ang daan upang tunay na mahasa ang mga estudyante ng KoEd sa pananalita ng wikang Ingles tungo sa global competency. Sinasabing ito ang paraan upang maihanda ang mga estudyante sa kanilang propesyon kasabay ng pagpapanatili ng katahimikan sa Roxas Hall. Ang EOP kasama ng Executive Order (E.O.) 210 na nagtutulak sa paggamit ng Ingles bilang panturo ay opresyon.



Maaaring hangad nitong mahasa ang mga estudyante sa pagsasalita ng wikang Ingles na siyang pangalawang wika nating mga Pilipino. Ito ay benepisyal sa lahat ng mga estudyante sapagkat ang literatura at kultura ng ibang bayan ay nasasalamin sa mga panitikang sadyang isinulat sa unibersal na lenggwahe. Malaki rin ang maitutulong nito sa kanila sa pagharap sa mundo paglabas nila ng unibersidad. Ngunit sa kabilang banda, hindi pa ito ang tamang panahon para mabisang maipatupad ang nasabing polisiya at maabot ang mga layunin nito.



Ang E.O. 210 at EOP ay tahasang paglabag sa Konstitusyon. Isinasaad sa Artikulo XIV Seksyon 6 na: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng kongreso, dapat magsawa ng hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”



Bukod dito, ang E.O. 210 at EOP ay paglabag din sa kagustuhan ng mga estudyanteng Pilipino na manalita gamit ang sariling wika. Gayon din, gagawin lamang nitong katawa-tawa ang mga estudyante dahil sa kasalukuyang estado ng pananalita ng Ingles. Hindi tayo handa. Maging ang mga gurong patuloy na pinipilit na magturo gamit ang wikang Ingles ay hindi handa. Dahil dito, nagmumukhang nagkakandarapa ang mga Pilipino upang yakapin ang dila na noon pa ma’y hindi naman talaga atin. Higit sa lahat, napakatayog na pangarap ng isang English-speaking community gayong sa sariling wika ay mabibilang lamang ang dalubhasa; ilan lang din ang nakagagamit ng mga tamang salita sa tamang pagkakataon. Ginawa na nating kolokyal na wika ang Filipino samantalang ito ang wikang dapat ay gamay na nating lahat bilang mga Pilipino.



Nakalulungkot isipin na pagkatapos ng buwan ng wikang pambansa, wikang banyaga na ang madidinig sa Kolehiyo. Sa kabilang banda, nakatatawa namang madinig ang isang nagpupumilit manalita ng Ingles kahit pa sandamakmak ang sablay sa balarila at pagbigkas na hindi n’ya kasalanan, o kakulangan ng naging guro n’ya sa Ingles. Ito ay maaaring isisi sa mga nag-uutos sa kanyang bumigkas ng mga banyagang kataga sapagkat maging ang mga bumuo ng EOP at E.O. 210 ay hindi alam kung paano puspusang maipapatupad at masusubaybayan ang kanilang kay-tayog na polisiya, isama pa ang parusang pagbabayad ng piso ng sinomang hindi makasusunod sa EOP.



Higit sa mga ito, nakatatawang isipin na pinipilit nating salitain ang wikang pinaniniwalaang mag-aahon sa atin mula sa kamangmangan gayong mangmang din tayo sa sarili nating wika. Isang malaking kabalintunaan. Ang EOP at E.O. 210 ay magiging katanggap-tanggap lamang kung wala nang estudyanteng bibigkas ng: “Ano daw?”



Possibly Related Posts:


  • Share/Save/Bookmark

Post Metadata

Date
October 9th, 2009

Author
admin

Category

Tags

Leave a Reply