Editorial: 111
MAHIGIT LABING-ISANG DEKADA na ang nakalilipas nang unang nasilayan ng mga Pilipino ang liwanag ng kalayaang matagal nang hinahangad mula sa kamay ng mga dayuhan. Kasabay ng kalayaang nakamit ay ang hamon na mapatunayang karapat-dapat tayo para rito. Ang pinakamainam na paraan upang magawa ito ay ang pagpapakita ng pagmamahal at pag-intindi sa mga mamamayan at matayog na respeto sa bayan. Ngunit makaraan ang isandaan at labing-isang taon, ang kwestyon ng pagka-Pilipino ay nananatili tuwing sasapit ang ika-12 na Hunyo. Mula pa elementarya ay itinuturo na ang wastong pag-awit ng Lupang Hinirang at paghinto sa tuwing naririnig ito bilang pagbigay-galang sa watawat. Naging tradisyon na rin ang paglalagay nito, sa harapan ng bawat establisyimento, paaralan, pribadong tanggapan at mga tahanan bilang hudyat ng papalapit na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan. Mayo pa lamang ay makikita na ang mga itong nakalagay sa paligid ng mga nabanggit na lugar para ipaalala sa bawat makakita nito ang esensya ng kalayaang nakamit. Kamakailan lang ay mapapansin din ang unti-unting paglaganap ng mga kasuotan, sumbrero, bag, ID strap at iba pang accessories na may disenyong tulad ng sa watawat. Dahil walang malinaw na batas ang umiiral sa paggamit ng buong disenyo ng watawat, unti-unti na ring nagiging mabili ang mga ito. Sa larangan naman ng musika at komersyalismo ay makikitang nagiging palasak nang tema ang iba’t ibang simbolo ng pagiging Pilipino. Halimbawa na nito ay ang kampanyang “Ako Mismo” na pinagbibidahan ng mga sikat na artista at musikero. Hangad umano nitong bigyan ng kaluguran ang ating bayan at himukin ang mga kabataang makialam sa mga pambansang isyu. Ang mga bagay na ito ay nagpapatunay lamang na hindi lahat ng Pilipino ay nakalilimot na ipagpatuloy ang nasimulang adhikain ng ating mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bansa. Ngunit kung pag-iisipang mabuti, higit dito ang hinihingi ng bansa sa atin–higit sa pakitang-tao at pakikiuso. Madaling sabihin na ang isang tao ay Pilipino ngunit hindi ganung kadali ang magpaka-Pilipino. Hindi sapat na sa elementarya lamang ginagawa ang pagbibigay-galang sa bansa. Kapansin-pansing kapag nasa kolehiyo na ang mga kaabataan ay nakakalimutan na nila ito. Isang halimbawa na nito ang mga estudyante ng BulSU. Ang mga estudyante na lamang ng Kolehiyo ng Edukasyon, at hindi pa lahat, ang nakikisabay sa pagtataas ng watawat tuwing Lunes. Isang dahilan rito ay sila ay magiging guro sa hinaharap at sila mismo ang magtuturo sa mga magiging estudyante nila nito. Ngunit paano naman ang ilan na taga-ibang kolehiyo na nasa harap na mismo ng pag-awit at pagtataas ng simbolo na ating bayan ay lantarang ipinapakita ang kawalan ng interes at paggalang sa bayan? Hindi na kailangang maging guro ang lahat para sundin ang pinakasimpleng hiling sa atin ng bayan. Isa pang halimbawa ay ang naganap na Student Government Elections. Naging palaisipan ito dahil 27.6% lang ng buong bilang ng mga estudyante ng unibersidad ang naitala na bumoto. Makikitang ang natitirang 72.4% ay wala nang pakialam kung sino man ang maihalal na pinuno nila. Maliliit na bagay lamang ito para sa karamihan pero ang hindi mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay paniguradong hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaking bagay tulad ng pag-aalaga sa hinaharap ng isang bayan. Isang bayang maipagmamalaki ang inaasahang kalakihan ng mga sumusunod na henerasyon at hindi bayang walang sariling pagmamahal sa sarili dahil sa kawalang pagpapahalaga at pag-aalaga natin sa kung ano ang sa atin. Wika nga sa isang mangaawit, “Pagkat ako’y isang mabuting Pilipino, minamahal ko ang bayan ko. Tinutupad ko ang aking mga tuntunin. Sinusunod ko ang ating mga alituntunin.” Maging baguhan man sa unibersidad o hindi, mainam na isipin na ang pagsunod o paglabag natin sa mga alintuntunin ng unibersidad ay sumasalamin sa kung anong klaseng mamamayan tayo paglabas natin rito. Maaring nagkalat sa paligid ang iba’t ibang simbolo ng pagiging makabayan—watawat, monumento ng mga bayani, musika patungkol sa pagiging makabayan—ngunit hindi sapat na suot natin ang mga damit na may simbolo ng watawat o ng mapa; hindi sapat na kinakanta lamang natin ang Pambansang Awit at sinasabi ang Panatang Makabayan dahil ito’y turo ng nakararami. Nakaatang sa kalayaang ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo ang pagiging makabayan at pagsasabuhay ng respeto at pagmamahal sa mamamayan at sa bayan. Mahalin natin ang bansa at gampanan ang pagiging Pilipino hindi dahil sa ito ang uso, bagkus ay dahil sa responsibilidad natin ito bilang mamamayan ng Pilipinas. Ang tunay na kalayaan ay maisasabuhay kung ang bawat mamamayan ay magkakaisa sa ikatataguyod ng karapatan, kagalingan at ikabubuti ng bawat isa. Kung hindi natin ito kayang gawin, hindi pa tayo lubos na malaya. Possibly Related Posts: |
