Kwentong Basura
Matagal na rin kaming nakatira dito sa Payatas. Normal na sakin yung mga eksenang nasaksihan ko kanina. Walang bago; walang kakaiba.
Dalawang bata na naman ang nadaganan ng mga bulto ng basura. Noong isang linggo nga lang, isang binata naman ang nailibing ng buhay kasama ng umaalingasaw na basura, kasama ng mga pangarap n’ya. Dito na ‘ko lumaki. Dito ko na nga inubos lahat ng lakas ko sa loob ng dalawampung taon. Ni hindi na ‘ko nakatuntong ng eskwelahan dahil sa kahirapan namin. Nabanggit ko na bang wala na ‘kong mga magulang? Namatay na kase ang Nanay pagkapanganak sa bunso naming si Nene. Si itay naman, ayun sinukuan ang sobra naming hirap. Noong kinse pa lang ako nakita na lang namin s’yang lumulutang sa ilog. Duwag s’ya. Pero iba ‘ko sa kan’ya. Magiging matatag ako kina Nene at Totoy. Maingay ang paligid. Naghaharutan ang mga batang kasabay kong mangalakal ng basura. Ang ibang tsismosa nama’y sumisige na sa maghapong dakdakan. Dito sa marusing at masukal na lugar ng Payatas Damsayt – dito ko sinimulang mangarap, marunong pala ‘ko nun? Dito ko rin pinagsikapang tuparin ang mga ‘yon. Dito sa lugar na hindi ko kakikitaan ng anumang pag-asa maliban sa mga basurang kinakalkal namin, makabili lang ng sardinas o payless. Simple lang naman ang pangarap ko, makakain ng disente, tatlong beses sa isang araw, makapagtapos kahit grade six. Kahit ba ‘yung tipong masabi lang na nakapagtapos ako. Pagkatapus nun, gusto ko rin sanang mapag-aral ang dalawa kong kapatid. Makapagpatayo ng sariling bahay, yung malayo sana sa Payatas; at maikasal balang araw. Simple lang ang mga pangarap ko pero kahit yata ilang beses kong makalahig ang mga gabundok na basura sa Payatas – kahit pa nga siguro lahat na ng basurahan sa Pilipinas, walang matutupad sa mga ‘yon. Kahit isa. Maingay ang paligid; patuloy ang paghaharutan ng mga batang kasabay kong nagkakalakal ng basura. Ang mga tsismosa nama’y sumisige pa rin sa maghapong dakdakan. May halos tatlong oras na siguro akong nakababad sa ilalim ng nakapapasong init ng araw. May tatlong oras na rin akong nagtitiis sa pinaghalong gutom at pagkahilo dala ng alingasaw ng paligid. Tatlong lata ng softdrinks, limang lata ng sardinas at mangilan-ngilang bote na plastic na pwedeng ibenta: ‘yan pa lang ang laman ng sako ko. Tuloy bigla akong napag-isip. Magkano man ang halaga nito’y alam kong kulang pa para matupad alin man sa mga pangarap ko. Kulang na kulang pa pambili ng disenteng kabaong para sa dalawa kong kapatid. (Mark Anthony de Lara) Possibly Related Posts:
|
Matagal na rin kaming nakatira dito sa Payatas. Normal na sakin yung mga eksenang nasaksihan ko kanina. Walang bago; walang kakaiba.