Kay B1, B2 at sa Aking One Great Love
|
N’ung ipinagtapat ko kay one great love na s’ya ang aking one great love, busted ako. Nagalit ako at pinapili siya: ako at ang mahabang kasaysayan naming dalawa o ang haliparot na wala pa ngang isang linggo niyang kilalang lamang lang naman sa akin ng konti sa height at ‘di hamak na mas matalino ako’t mas nakaaalam ng sikot niya. Bitter. Bullfrog na haliparot. Hindi niya ako pinili, at iniwan niya sa akin ang makapagbagbag damdaming “marami kang hindi alam sa mga kagaya ko.” “Shoot!” I said. “Of all people, ako pa ang hindi makakakilala sa mga kagaya ko?” sabi ko ulit. I was furious. Wala naman akong ibang pwedeng maramdaman kundi iyon, hindi ako manhid. Pero hindi ako pumayag at nagpatalo sa sinabi niya.
Puyos ang sumakop sa maraming panahon dahil sa sinabi niyang tinanggap ko bilang pangungutya. Tama, hindi madalas, ang totoo’y napakadalang ko talagang lumuwas ng Maynila. Miminsan lang din ako nagkakaroon ng lakas ng loob na makipagkilala ng kusa. Sa umpisa’y excited akong makipag-textmate, pero wala ako laging load kaya nauupos din ang excitement na iyon at binubura ko rin ang number ng mga potential boylet. Pero sa kabila ng lahat, walang karapatan si one great love na i-imply na wala akong alam sa kingdom classification sa sarili kong kingdom dahil wala ako ng exposure na hinahanap niya. Ni-reject na nga niya ako, binaboy pa niya ang aking pagkatao. Echos lang.
Nag-research ako ng bonggang bongga. Charing lang ulit. Friendly ako sabi ng iba pero ang totoo’y palabati lang. Pinilit kong makakilala ng mga kagaya ko. Kagaya ko ng kaunti. Kagaya kong opposite at kagaya kong hindi ko talaga kagaya. Educ ako kaya katangian ko nang mag-observe. Pinintasan ko lahat ng dumaan sa tambayan ko. Binigyan ng mga palihim na rating mula one to ten, madalas pa nga ay negative, ang mga nakasalubong sa daan at nakasakay sa jeep. Kinutya mula sa Chuck Taylor na may weird color hanggang sa Raymond-Gutierrez-scarf sa gitna ng nag-aalimpuyong init ng panahon hanggang sa sakop-ang-mukhang-shades na suot ng mga mujer-mujeran. Sinukat ang circumference ng mga super tight jeans in all fruit shades. Kinilo pati ang gel sa buhok at ang pwedeng-kayurin-ng-kutsarang-foundation para patunayan kay one great love na alam ko na ito. At kahit waste of time lang, re-reviewhin ko ang lahat ng nalalaman ko para pag bumalik siya ay sisiguraduhin kong masusupalpal siya sa mga baon ko. Hindi ko alam na marami pala akong pambala kahit hindi na ako mag-effort.
Sa konting lingap, nabigla rin ako. Madami pala kong hindi alam.
Bakla- BAbae Kaso LAlake. Ito ang taguri sa akin and to quote si one great love, sa mga “people like us.” Kami raw yung mga woman trapped in a man’s body sabi sa mga intro ng mga gay beauty pageants. Hindi ako sure dun, what I am sure of eh kami yung mga nilulublob sa drum ng tubig, hinahambalos ng bakal ng sinturon, ibinibitin ng patiwarik at nagsusurvive sa kabila ng lahat ng iyon at nakapagrereproduce pa without sexual intercourse tulad ng sinasabi ng mga korning nagtatanong kung bakit kami dumadami. Aware na ako sa bansag na ito dati pa, akala ko.
Nagkajowa ako. Syempre, kailangan i-redeem ang sarili pagkatapos akong ganuunin ni one great love. Gwapo, as in ( sa bagay, gwapo naman lahat ng naging jowa ko). Siya si B1. Ha-ha! Matipuno, intellectually endowed, at ipinagpalit ako sa Bituing Walang Ningning at Lobo. Ha-ha! Bitter? Ha-ha! Siya yung lalaking lalaking tingnan. May mapupulang labi, barberong gupit, at intellect na naka-challenge sa’kin. Siya rin yung magugulat kang bakla pala. Although hindi tinatanggi, kundi siya kikilos at magsasalita ay hindi malalamang bakla. Yung mapapasabi ka ng “sana hindi na lang siya gumalaw” para hindi makita ang kontroladong pilantik ng mga daliri, pigil at malambot na padyak, at maingat at may kambyong pag-ikot ng ulo tuwing lilingon. Siya ang bading- BAklang may DatING. At kahit maraming hindi um-agree, dito yata ako kabilang. Haha! Feeling ko ay incest, kaya nakipaghiwalay ako. Haha! Eching lang. Gusto kong sisihin si one great love, pero maraming maliliit na bagay ang dahilan.
Inubos ko ang panahon ko sa pagpi-friendster. Isa lang ang account ko, hindi gaya ni one great love na apat yata. May friendster ang section Masigasig, ang section ko noong fourth year high school kaya ininvite nila ako. Kapag nagche-check ako’y ina-approve ko na kaagad lahat ng kaklase at kaibigan at hindi ko na vini-view dahil nga kakilala ko naman. Isang babae, malaki ang boobs, morena, mahaba ang buhok at sa standard ng mga lalaking hayok eh epitome talaga ng kaseksihan. ‘Yun ang nasa picture. Marami siyang comment sa’kin kaya out of curiosity and insecurity eh viniew ko ang account nya. Alexis ang name. Alexander Salamat ang totoong pangalan. Ang bestfriend ko nung high school. At kahit magaling s’ya sa photoshop eh alam kong hindi ‘yun produkto nu’n. May jowang Briton sabi ng isang dating kaklase. Inisponsoran ang balakang, silicon, at tabletang hormones para maghugis at tabas babae. Kiki na lang ang kulang. Badaf daw ito. BAbae DAFat. Babae na talaga lahat pero ‘pag sinundan mo ang rainbow after the rain, lalaki ang makikita sa dulo katabi ng mga lepricon sa ibabaw ng pot of gold habang nagja-jackstones.
Itsinika ko rin lahat ng nangyari sa aking new found friend na si Rowell. Sinamahan n’ya akong pagtawanan sina B1 at B2. Haha! Si ‘Te, o si Rowell, hindi maitatangging from head to foot, humahalimuyak ang masarap sa ilong na kalansahan. Hindi naman s’ya cross-dresser, pero hindi na iyon kailangan para masabing kabilang s’ya. Siya yung typical. Masayahin, makendeng, pilit ang English, maingay kagaya ko. Minsan nga, biro ko, bakit hindi siya nababalitang bakla! Siya yung fly high and proud ang drama. Alam ng lahat, walang kiyeme, walang pretentions. Simply bakla. Hindi half man, half dinosaur. Buong buo. Pamintang buo. ‘Yun na. Hindi ganito si one great love. In fact, feeling ko’y hindi s’ya kailanman magiging tulad ni ‘Te na hopeless romantic.
Si B2, durog, sa tingin ko. Si one great love kalahating durog, kumpara ko naman. Just weeks after, in fact, days after the break-up, I saw his true color. It was hurting to the eyes. It was blinding black. Definitely, it wasn’t grey. It wasn’t just ordinary black, it was blinding black. ‘Yung nagtatago sa kadiliman. ‘Yung nagtatago sa pinaka hindi nakikitang pitak. Pero kahit hindi nakikita, nanunuot sa ilong ang makakating piraso ng katotohanang nagdudulot ng interjection na “achoo!” Pamintang durog – ginagamit na code dahil hindi pa “out.” Sa ibang bersyon, closeta. ‘Yung militar si ama kaya afraid ang lola na mag spread his wings and prepare to fly butterfly o sa isang dulo ng spectrum, ‘yung ayaw mag-out dahil matatapos ang career sa pananamantala sa mga kaibigang kasabay maligo at umihi. In one way, si B2 si one great love.
Pamintang durog kasama ang higit sa matinding pagnanais na magkaroon ng normal na sistema equals confusion equals bisexuality siguro, I mean oo pala. Ito ang matagal na niyang ina-underscore sa akin – na hindi ko s’ya mage-gets at hindi ko mage-gets ang mundong pareho naming kinukulayan. Sabi ni one great love sa akin dati, gusto niyang magkapamilya, anak at asawa. I’ll put it this way, parang for now, vanilla-flavored ice cream muna ang tinitikman niya dahil malapit na siyang manawa sa chocolate flavor. Naisip ko, ito siguro ang grey area na sinasabi nila na binanggit ko na rin kanina. Na tina-try niya munang lagyan ng sigla ang boring na black at lagyan ng attitude ang virgin na white. Iyon ang interpretation ko sa mga shine-share n’yang buhay-buhay. Iyon ang tinanggap ko.
Hindi naman dumating iyong pagkakataong hinihintay ko. ‘Yung pagkakataong hindi siya makasasagot dahil barado siya sa mga sasabihin ko, sa mga na-review kong ebidensiya. Laging ako ang barado. Sa pakikipag-usap ko sa kaniya bumabawi ang mga speechless moments – ipinaghihiganti ang mga nilait ko at pinagtawanan. “Sa wakas…,” ika nila, “…hindi ka makapupuntos kay one great love,” sabay halakhak ng walang control. “Buti nga sa iyo!” dagdag pa.
Hindi ko nagamit ang ni-review ko. Pinipili ko kase, ng lamang loob ko, na namnamin na lang ang mga moments na kasama siya, kahit late siya lagi, kaysa litanyahan ng exhibit A, B, at C. Mas ginugusto ko kasing makibalita sa mga nangyari sa mga panahong hindi kami nagkita, lalo na ang dami ng cellphone na nanakaw o naiwala dahil sa kaburaraan niya. Mas sinusunod kong makinig sa kwento ng sex life n’ya, ng adventures n’ya, ng edad ng bago n’yang jowa at ng pag-iinsist n’yang mas mabuti kung friends kami. “Para ‘yun lang?” biro kong may kasamang luha, inis at pasasalamat. Mas pinili ko siya kesa ako at ang dala kong dahilan. Hindi ko nga pala talaga siya kilala, o ang sarili ko rin o kahit sino pa man.
Siguro, nagawa ko mang i-categorize ang akala kong pinupunto ni one great love, mali pa rin ako ng konek. Na, artipisyal ang alam ko o ang mga alam ng klaseng kagaya ko’y nang-uri ng pagkatao batay sa itsurang kinaiinggitan ko rin naman kahit balikwas sa alam ko at sa alam ng marami.
Mali pala ang unawa ko. Wrong sent. Ang hindi ko pala alam ay hindi ang kabaklaan. Hindi ang panghihinayang sa kabadingan ni B1 o ang composition ng suso ng badaf na si Alexis. Hindi ang katipikalan ni ‘Te o ang bahing na dulot ng pamintang durog na si B2. Lalong hindi ang bisexuality ni one great love. Nararamdaman. Marami pala akong hindi nararamdaman. (Angelo Vincent del Rosario) Possibly Related Posts: |

bakla kaya ang gumawa nito?
Mukhang bakla nga. Pero bakit may prejudice sya sa mga bakla no? Saka di rin ako nag-aagree sa categorisation ng bawat bakla dahil napaka-restrictive nun. Parang sinasabing pag bakla ka eto lang ang choices mo, di ka pwedeng maging indibidwal.
si one great love siguro ang sumulat nyan?