The Mentors’ Journal

The Official Publication of the Students of Bulacan State University- College of Education::: Uphold Campus Press freedom. Support College Publication. Campus Paper. Campus Publication. College Press. Free Press. Mark Anthony Lazaro

Editorial: No to Quantity Education





Hindi karagdagang taon ang magsasalba sa bukbukin nang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas; higit pa sa paghahain ng lima o anim na taong mga kurso sa kolehiyo ang remedyo sa malamlam ng kalagayan ng edukasyong inilalako sa bansa.



Sa pagbubukas ng taong 2009, binulaga ng Commission on Higher Education (CHEd) ang sektor ng edukasyon sa panukala nitong gawing limang taon na ang dating mga kursong apat na taon lamang sa kolehiyo. Pinakamatunog sa lahat ang pagpapahaba sa mga kursong Nursing at Education. Bahagi ito ng proyektong Philippine Main Education Highway na panukala ni CHEd Chair Emmanuel Angeles, kung saan lahat ng mga kursong dumaraan sa licensure exams ay dapat nang kuhanin ng limang taon alinsunod sa “10+2+3” formula. Ibig sabihin, 10 taong bubunuin ng mga estudyante ang basic education (elementarya at sekondarya), dalawang taon naman para sa pre-university program at tatlong taon para sa specialization.



Pangako umano ng panukalang ito ang mas mainam na kalidad ng edukasyon at mas mahuhusay na produkto ng mga pamantasan. Kabilang na rin ang layunin ng pamahalaang makipagsabayan sa iba pang mga bansa sa larangan ng medisina, edukasyon, komersyo at teknolohiya. Sa ganitong paraan, hindi na umano mapag-iiwanan pa ang Pilipinas sa malawakang globalisasyong umiiral sa kasalukuyan.



Hindi na bago ang usaping ito sa Kolehiyo ng Edukasyon (KOEd). Matatandaang noong 2005, nagkaroon ng pagbabago sa curriculum ng KOEd. Nagdagdag ng mga asignatura na naging katumbas ng ilang summer classes. Samantalang marami ang nalito sa pabagu-bagong curriculum, mas marami ang dumaing sa dagdag gastos na dulot ng mas maraming subjects o units na dapat i-enroll gayong karamihan naman dito ay overlapping sa saklaw; idagdag pa rito ang taunang 10 percent tuition and other fees increase (TOFI). Subalit tulad ng dati, wala pa ring boses ang mga estudyante sa usaping tulad nito. Hindi lingid na may kakulangan ang sistema ng edukasyon sa bansa. Subalit lihis ang panukala ng CHEd upang tugunan ito. Hangad ng mga estudyante ang mas makabuluhang hakbang o panukala upang mapaunlad ang lagay ng edukasyon sa bansa. Halimbawa na lamang nito ay ang mas mataas na badyet para sa sektor ng edukasyon. Sa ganitong paraan, masosolusyunan na ang dekadang taon ng problema sa kakulangan ng mga libro, silid-aralan at iba pang mga pasilidad sa mga pamantasan. Kabilang na rin dito ang pagsasagawa ng mas komprehensibong mga programa upang iangat ang estado ng mga guro tulad ng pre- at in-service trainings at mas mataas na pasahod.



Simple lang ang iginigiit ng mga estudyante. Hindi garantiya ang mas mahabang taon sa eskwelahan upang maging mas mahuhusay na mga gradweyt balang araw. Ngayon, hindi na lamang KOEd ang maaaring magpasan ng higit na matagal, mabagal at magastos na edukasyon sa bansa. Ang usaping ito ay laban na ng masang estudyante sa BulSU at sa buong bansa. Bagamat tahimik na sumasang-ayon na lamang ang karamihan sa mga panukala at polisiya ng unibersidad at ng sangay ng pamahalaan, sa puntong ito, hindi na sapat ang pasibong reaksyon mula sa mga estudyante.



Sa bawat panukalang tulad nito, hinahamon tayong tumayo, makialam at manindigan para sa ating kinabukasan. Hinihimok tayong maging kritikal, mag-isip, masinsinang pag-aralan ang naturang panukala at magsalita kung kinakailangan.



Hindi karagdagang taon ang magsasalba sa bukbukin nang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, kundi sapat na mga libro, kumpleto at maayos na mga klasrum at iba pang pasilidad sa mga eskwelahan, mas mahuhusay na mga guro, programang akma sa pangangailangan sa merkado, at abot-kayang edukayon para sa lahat. Sa huli, dapat maintindihan ng gobyerno na hindi haba kundi kalidad ang dapat isaalang-alang.



Possibly Related Posts:


  • Share/Save/Bookmark

Post Metadata

Date
April 22nd, 2009

Author
admin

Tags

2 to “Editorial: No to Quantity Education”


  1. rovipe says:

    boses ng estudyante! hehe tumpak! akmang-akma sa panahon! mahusay! sana maraming makabasa ng article na yan! wee..ü

  2. cherry says:

    may mga teacher kasi na pinapasa ung mga students kahit bagsak naman talaga.
    may nadadaan sa awa at paiyak- iyak, may nadadaan pagpapasa ng libro, at may teachers din na dinadaan sa raffle ung ibibigay na grades sa mga estudyante.

    ang resulta, guma-graduate sila na walang alam at hindi handa para magturo.
    this is true hindi lang sa bsu.
    sad but true.



Leave a Reply