The Mentors’ Journal

The Official Publication of the Students of Bulacan State University- College of Education::: Uphold Campus Press freedom. Support College Publication. Campus Paper. Campus Publication. College Press. Free Press. Mark Anthony Lazaro

Ang Gugma ni Ploning





  *Official Entry of the Philippines for Best Foreign Language Film of the 81st Academy Awards.



Kulang ang kaliwa’t kanang nominasyon at parangal kumpara sa naidulot ng pelikulang indie na tumatak sa maraming Pilipino noong nakaraang taon. Kamakailan, tinangka itong isali sa Oscar’s awards para sa kategoryang Foreign Language Film. Hindi man pinalad, hindi pa rin maitatanggi ang kalidad ng pelikulang nagmula sa isang awiting bayan ng Cuyo, Palawan tungkol sa pag-ibig na walang-hanggan at sa isang babaeng misteryosa, mapaglihim at malalim. Ang Ploning ni Dante Nico Garcia, indie film na walang dudang ipinagmalaki at ipagmamalaki ng Pilipinas.



  Sa promosyon pa lamang ng Ploning, lubha na itong kakaiba sa nakagawiang istorya ng pelikulang Pilipino. Idagdag pa ang kantang  di mo man mabatid  ang ibig sabihin, ay umaakit  naman sa pandinig. Tunay nang ang pelikulang ito ay may kakaibang mundo. Isang palaisipang nakasasabik tuklasin kasama ang mga misteryo at lihim ng gugma ni Ploning. 



  Ang pelikula ay binuo ng kumbinasyon ng mga beterano at baguhang aktor sa industriya: Judy Ann Santos bilang PLONING; Gina Pareño bilang INTANG; Mylene Dizon CELESTE; Meryl Soriano ALMA; Ces Quesada NIEVES; Tony Mabesa SUSING; Crispin Pineda TOTING; Eugene Domingo JUANING; Tessie Tomas SELING / MATANDANG CELESTE; Ketchup Eusebio BADOCDOC; Ronnie Lazaro MATANDANG VELING; Joel Torre MATANDANG SILOY / MAYOR; Beth Tamayo DIVINA; Jojit Lorenzo BASIT; Spanky Manikan TSUY; Ipinakikilala sina Cedric Amit DIGO; Lucas Agustin SILOY; Ogoy Agustin VELING; at Bodjong Fernandez MUO SEI. Nilaro ng mga aktor ang pelikula sa malumanay nilang pag-arte na nagpalutang sa ganda ng kakaibang istorya ni Ploning. Hindi rin nila birong pinag-aralan at ginamit ang lenggwahe ng mga Cuyonon. Sinulat ng baguhan ngunit may pinatunayang direktor na si Dante Nico Garcia ang istorya na kinuhanan naman ng bihasang cinematograper na si Charlie Peralta.



  Nakakainis sa simula ang salitang Cuyonon. Parang Cebuanong hindi naman. Nakakaloko ang pagkakahawig ng dalawang dayalekto. Ngunit sa huli, nangibabaw ang kakaibang tono ng Cuyonon na tila lipos ng diwa at pangaral. 



Humakot ng iba-ibang impresyon ang Ploning sa mga manonood. Pinuna at binansagang simple ngunit kakaiba, maramdamin sa kapuri-puring paraan at kinilalang isang obra-maestra.



  Tumakbo ang istorya sa istilo ng flashbacking. Pista ng bayan sa Cuyo, Palawan nang isang mangingisda mula Taiwan, si Muo Sei, ang dumayo upang  alamin kung ano o sino si Ploning. Pilit niyang inisip ang dahilan ng palagian nyang pagsambit sa pangalang “Ploning” sa mga panaginip nya sa loob ng 25 taon. Kasabay ng paghahanap nya ang kanyang pagtuklas sa tunay nyang pagkatao. Sa loob ng isang araw, pilit tinuklas ni Muo Sei ang nakaraan nya, iniisip na sa Cuyo niya ito makikita, sa bayang misteryosong nagluwal sa kanya.  Natuklasan niyang mahalaga sa maraming tao ng Cuyo si Ploning, dahil sa  maigting nitong pagmamahal na ipinauulan sa mga taong nakapaligid sa kaniya sa panahon ng literal na tagtuyot at kawalan ng ulan sa Cuyo. 



  Nakabibingi ang katahimikan ni Ploning. Ngunit matapos ang mga rebelasyong lumantad kay Muo Sei, isa na si Tomas, ang lalaking pag-ibig ni Ploning, na lumayo papuntang Maynila at iniwang naghihintay ang dalaga, Araw rin ng pista nang magkasabay na bumuhos ang ulan at ang kasagutan sa  likod ng katahimikan ni Ploning.



  Nakakagulat ang pagtatapos ng pelikula. Hindi mo aasahang ganoon kapayak ilalahad ang mga sagot sa mga katanungan sa buhay ni Ploning. Sa simpleng paraan naipahayag ay simple ring aral ng kwento. Pilit tayong naghahanap ng mga bagay na wala sa atin. Pilit nagtatanong nang di namamalayang ang mga sagot ay nasa harap lamang natin. Pilit naglalakbay patungo sa mga sagot na abot-tanaw lamang natin. Ang gugma ni Ploning, malihim man at payak, ay maraming nag-uumapaw sa aral ng buhay.



  Sa bandang huli, hindi nag-iisa si Ploning. Nabubuhay siya sa mga taong nais makilala ang Pilipinas ang Diyos at higit sa lahat, sa mga taong nais makabatid sa tunay na pinagmumulan ng pag-ibig na walang hanggan- payak ngunit malalim.  (Elaiza Banasig)   References: http://ploning.multiply.com/journalhttp://www.ploningthemovie.com/about_filmmakers.html

Possibly Related Posts:


  • Share/Save/Bookmark

Post Metadata

Date
April 22nd, 2009

Author
admin

Tags

Leave a Reply